Ang kasabihang parang pating ka kung magpatubo ay batay sa alamat ng pating na kuwento ng mga taga-Palawan.
Noong unang panahon daw ay may isang mayamang Palaweno na kilala sa pagiging gahamang usurero. Siya si Kablan na lagi nang gustong pagtubuan ang lahat ng kapitbahay na mangingisda sa kanilang komunidad. Sa sobrang pagpapatubo sa perang ipinauutang, galit na galit ang mga mangingisdang hindi makapalag sa kaswapangan ng kanilang kababayan. Sapagkat baon sa hirap ang lahat, napipilitan silang maging sunud-sunuran sa napakatakaw na mangangalakal.
Tanging si Kablan ang may tindahan sa kanilang komunidad. Binabarat niya ang mga paninda sa siyudad. Ipinagbibili niya ang mga ito na may mataas na patong sa mga pobreng mangingisda. Hindi sila makaangal sa di makatarungang pagpapautang.
Mahusay na mahusay kumita ng pera si Kablan. Madali ka nitong bibigyan ng paninda kung may sarili kang bangkang paghahanguan ng mga huling isda sa karagatan. Mas malaki ang bangka, mas malaki ang huli. Mas malaki ang huli, mas marami rin ang panindang maipapautang sa iyo ng ngingisi-ngising negosyante.
Isang magdadapit-hapon, habang nagpapasasa si Kablan sa marangyang hapunan, isang uugud-ugod na matanda ang kumatok sa kanyang bahay.
“O ano, tanda, may problema ba?”
“Na…nagugutom ako. Maaari po bang makahingi ng sobra sa hapunan ninyo?”
“Aba oo, yun lang pala,” nakakunot-noong sagot ni Kablan. “Pero sa isang kondisyon, kailangang bayaran mo. Pagkain ko katapat ng pera mo. Basta may tutubuin ako, lahat ay areglado. Kung wala kang pera umalis ka na dyan at baka hindi ako makapagpigil sa iyo.”
“Maawa kayo, ginoo. Hindi ninyo madadala sa hukay ang yaman ninyo.”
“Aba makulit ang matandang ito! Lumayas ka rito! Doon ka sumisid sa dagat. Tiyak na may isda kang mahuhuli! Sige, layas! Layas!” pinagtulakan ni Kablan ang kaawa-awang matanda na napasubsob sa tarangkahan ng malaking bahay.
Sa tulong ng mga batang nagsilapit, ang matanda ay nakatindig. Napansin ng mga paslit ang nagniningning na baston ng matanda. Nagpasama ang matanda sa bahay-bahay. Nagbabala ito na may darating na lindol sa kapatagan at magbibitak-bitak daw ang lupa sa kapaligiran. Matapos magbabala ay itinaas ng matanda ang baston. Namangha ang lahat nang magdilim ang langit at gumuhit ang matalim na kidlat.
Sa pagpanhik ng matanda sa burol ay bumuhos ang malakas na ulan, at yumanig ang lupa. Sa matinding takot ay nagsunuran ang mga mangingisda sa di nila nakikilalang matanda.
Hindi natinag si Kablan sa loob ng kanyang tindahan. Tuwang-tuwa pa siyang humalakhak. Nakikini-kinita niya ang paghugos ng mga mangingisda. Tiyak daw na bibili sila ng mga paninda niya. Naglalaro sa isip niya na ngayong napakalakas ng ulan lalo siyang magtataas ng presyo. Ipapautang niya ang lahat ng pagkain at damit na bultu-bultong nakaimbak sa kanyang lalo pang pinalaking bodega.
Sa panghihiyang ginawa ni Kablan, gumanti ang pobreng matanda sa pagsasabing, “Tulad ng takot na itinanim mo usurero sa lahat ng nangangailangan sa oras ng kagipitan, magiging isda ka rin na katatakutan ng lahat sa karagatan.”
Sa muling pagtataas ng tungkod ng matanda, lalong dumagundong ang mga kulog at tumalim ang mga kidlat. Tulad ng sinabi nito, ang ulan ay hindi na huminto pa. Sa itaas ng burol, tanaw na tanaw ng lahat na nagdudumaling lumabas si Kablan sa tindahan. Nanginginig ito sa sobrang takot. Papanhik din sana siya sa tuktok ng burol subalit naabot siya ng rumaragasang tubig-ulan na lalong nagpalalim sa dagat-dagatan.
Ang mahagway na katawan ni Kablan ay naging mahabang isda na may matulis na nguso at matatalim na ngiping parang kakain kaninuman.
Nang balingan ng tingin ang matanda ay wala na ito sa kanyang kinatatayuan. Nawala itong parang bula.
Magmula noon nakilala na sa Palawan ang pating. Ito ay pinangalanang Hari ng Karagatan na walang takot kaninuman. Laging kinatatakutan si Kablan sa pagiging usurero sa Palawan, ang pating naman ay lagi ring kinasisindakan sa kabangisan.