January 4, 2025

Alim Epiko ng Ifugao (Buod)

Ang Alim ay isang epiko mula sa mga katutubong Ifugao sa hilagang bahagi ng Luzon sa Pilipinas. Ito ay isinulat at isinalin sa Tagalog upang mas maintindihan ng mas maraming tao.

Ang epikong Alim ng mga Ifugao ay nagsasalaysay ng isang panahong ang lupain ay saganang-sagana.  Maging ang mga ilog at dagat ay sagana sa isda.  Ang mga kagubatan ay maraming mga hayop na madaling hulihin.  Walang suliranin ang mga tao tungkol sa pagkain.  Pag ibig nilang kumain, wala silang gagawin kundi pumutol ng biyas na kawayan at naroroon na ang bigas na isasaing.  Ang biyas ng kawayan ay siya ring pagsasaingan.  Noon, ang daigdig ay patag na patag maliban sa dalawang bundok : ang Bundok ng Amuyaw at ang Bundok ng Kalawitan.

Dumating ang panahong hindi pumatak ang ulan.  Natuyo ang mga ilog.  Namatay ang mga tao.  Humukay ang ilang natitirang tao ng ilog.  Ang tubig ay bumalong.  Natuwa ang mga tao at sila ay nagdiwang.  Subalit bumuhos ang malakas na ulan, umapaw ang mga ilog.  Tumaas nang tumaas ang tubig.  Nagsipagtakbo ang mga tao sa dalawang bundok subalit inabot din sila ng baha.  Nalunod na lahat ang mga tao maliban sa magkapatid na sina Bugan at Wigan.

Nang bumaba na ang baha, nagpaningas ng apoy si Bugan sa bundok ng Kalawitan.  Nakita ito ni Wigan sa kanyang kinaroroonan sa bundok ng Amuyaw.  Pumunta si Wigan kay Bugan.  Nalaman nilang silang dalawa lamang magkapatid ang natirang tao sa daigdig.  Nagtayo ng bahay si Wigan na tinirahan nila ni Bugan.  Pagkaraan ng ilang panahon, si Bugan ay nagdalantao.  Dahil sa malaking kahihiyan tinangka ni Bugan na magpakamatay.

Pinigil siya ng isang matanda.  Ito’y bathala ng mga Ifugao, si Makanungan.  Ikinasal ni Makanungan si Wigan at si Bugan.  Nagkaroon sila ng siyam na anak, limang lalaki at apat na babae.  Nang dumating sila sa hustong gulang, ang apat na lalaki ay ikinasal sa apat na babae.  Ang bunsong lalaki na si Igon ang natirang walang asawa.  Namuhay silang masagana.

Paglipas ng ilang panahon, nakaranas sila ng tagtuyot.  Wala silang ani.  Naalala ni Wigan at ni Bugan si Makanungan.  Sila’y nanawagan dito at hinandugan nila ng alay na daga.  Patuloy pa rin ang tagtuyot.  Naisipan nilang si Igon ang patayin at siyang ihandog sa Bathala.  Natapos ang pagsasalat at tuyot.

Subalit nagalit si Makanungan sa ginawa nilang pagpatay at paghahandog ng buhay ni Igon.  Isinumpa niya ang mga anak nina Wigan at Bugan.  Sinabi niyang maghihiwa-hiwalay ang magkakapatid – sa timog, sa hilaga, sa kanluran, sa silangan.  Kapag sila’y nagkita-kita, sila’y mag-aaway at magpapatayan.  Kaya’t ang mga tribong ito ng mga tao sa kabundukan, magpahangga ngayon ay naglalaban at nagpapatayan.

Iba pang Buod ng Epikong Pilipino:

Bidasari Epiko ng Mindanao (Buod)

Darangan Epiko ng Maranao (Buod)

Hudhud in Aliguyon (Buod ng Epiko ng Ifugao)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *