November 14, 2024

Alamat ng Kasoy [Buod]

Ang Alamat ng Kasoy [Buod]

Noong unang panahon, ang Buto ng Kasoy ay di mo makikita sa labas ng bunga sapagkat nasa loob ito. Ang mala abuhing buto ay madalas malungkot sapagkat di nya nakikita ang labas ng mundo.

Lalo pa siyang nainggit na makita ang labas ng bunga ng kasoy ng mabalitaan ang isang handaan na inihanda ng Ada ng Kagubatan. Ipinatawag kasi lahat ng mga nasa gubat mapa halaman man o hayop

Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.

Masaya ang lahat ng mga nasa pagtitipon na ito, maliban kay kasoy na nasa loob ng bunga.

“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”

Naulinigan ng makapangyarihang Ada ang himutok ng Buto.

“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”

“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat.

Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”

Iba pang Alamat:

Alamat ng Chocolate Hills [Buod]

Alamat ng Bayabas [Buod]

Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.

Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.

Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepante ay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pag-imbay ang mahagway na kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ang bahay-bahayan.

Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga alitaptap ang parol nila.

Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid.

Nahalinhan ng takot ang lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kweba.

Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.

Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaligkig sa lamig ang Buto.

“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”

Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.

Iyan ang alamat ng Kasoy .

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *