April 13, 2024

Ang Duwag na Paniki (Buod ng Pabula)

Kakainin na sana ng Leon ang kanyang biktima, ngunit inagaw ng Agila ang pagkain. Galit na galit ang Leon, kaya tinawag niya ang lahat ng mga hayop sa lupa upang labanan ang Agila.

Pinulong ng Leyon ang lahat ng hayop sa lupa. Sapagkat mga ibon nga ang nagnanakaw ng mga pagkain ng Tsonggo, Usa, Baboyramo at iba pang hayop-lupa sa buong mundo kaya napapayag niya ang lahat na labanan ang Agila at lahat ng ibong nagliliparan.

“Giyera na ito, masyadong perwisyo ang mga Agila” sigaw ng Haring Leyon.

“Giyera! Giyera!” sigaw ng kaniyang mga kasama.

Ang mga hayop ay naghintay sa pagsapit ng gabi upang makita nila ang mga ibon na lumilipad pauwi sa gabi. Madalas kasi sa ganitong oras nauwi sa pugad ang Agila.

Ang pagsalakay ni Haring Leyon ay nakabulabog sa mga ibon. Maraming napatay. Ang Kuwago na pinakamatalinong ibon ang gumabay sa mga tumakas na kasama niya upang lumipad sa gitna ng kagubatan at malayo sa mga kuko ng kaaway.

Kitang-kita ng Paniki ang paglayo ng takut na takot na mga kasama. Upang isalba ang sarili, sa halip na lumipad ay naglakad siya sa lupa at nagbigay pugay sa Haring Leyon.

“Kamahalan,” paliwanag nito habang pilit ria itinatago ang mga pakpak, “kamag-anak po ako ng mga daga. Gusto ko pong sumama sa inyong paglipol sa mga ibon. Inaalay ko po ang buhay ko alang-alang sa ating pagtatagumpay!”

Napaniwala ng Paniki ang Haring Leyon. Pinayagan siya nitong sumama sa digmaan kahit wala naman sa loob ang pakikipaglaban.

Matapos ang pagkatalo ng Haring Agila, nagpasya ang kanyang mga kapanalig na sa umaga ay sasalakay sila habang natutulog pa ang mga hayop sa mga burol at kabundukan.

Kasisilip pa lamang ng araw sa silangan ay naririnig na ang mga kampay ng mga pakpak sa kaitasaan. Dala-dala ang mga mabibigat na bato, lumipad ang mga ibon sa kaitasaan at dali-daling pinagbabato ang mga hayop na nagising sa kalituhan. Marami ang namatay sa pandirigma ng mga ibon.

Kahit talunan, nagkapit-kapit pa rin ang mga hayop na handa pa ring mag-ipon ng lakas at magplanong lumaban.

Payuku-yukong ikinukubli ng Paniki ang mukha sa mga talunang hayop-lupa. Nang walang nakapansin ay ikinampay niya ang mga pakpak at nagpunta sa kampo ng mga katribong ibon.

“Mahal na Hari. Mahal na Hari,” magalang na bati ng Paniki habang ibinubukadkad niya ang mga pakpak, “ako po si Paniki na handang mag-alay ng buhay ko sa paglaban sa mga kaaway ninyo!”

Ang layuning mag-alay ng sarili ay ikinahanga ni Haring Agila upang tanggapin ang Paniki bilang kapanalig niya.

Kinaumagahan ay paglusob naman ng mga hayop-lupa ang isinagawa. Bihis pandigma ang mga hayop. May mga sibat ang mga Tsonggo at Elepante. May mga sumpit ang Aso, Lobo at Toro.

Napag-isip-isip ng Paniki na kampihan ang mga hayop-lupa. Pero nang manalo ang mga Ibon ay kampi kagad siya sa mga Ibon.

Sa mabilisang pakikipagdigmaan ay mabilis ding iniiwanan ng seguristang Paniki ang mga talunan. Hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ng dalawang grupo ang palipat-lipat na desisyon ng Paniki.

Sapagkat napag-isip ng dalawang Hari na walang magandang kauuwian ang digmaan, napagkasunduan nilang maging magkaibigan.

Bilang parusa sa Paniking walang sariling bait, pinalayas siya ng dalawang tribo.

Sa sobrang kahihiyan, ang Paniki ay lagi nang nagtatago sa mga kuweba kung araw. Palihim lang itong lumalabas sa taguan kung gabing bilog ang buwan.

Aral sa Pabula ng Ang Duwag na Paniki

Matutong magkaroon ng sariling paninindigan sa mga pasya sa buhay. Hindi maganda ang maging balimbing.

Iba Pang mga Pabula na babasahin:

Ang Biik at ang mga Tupa [Buod ng Pabula]

Ang Kabayo na nagdamit Leon [Buod ng Pabula]

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *