December 30, 2024

Alamat ng Sirena [Buod]

Ang Alamat ng Sirena [Buod]

Sa isang karaniwang bukid nanirahan ang mag-asawang Vilma at Tirso. Ang kanilang bahay ay malapit sa dagat. Si Tirso ay mangingisda. Ang pangingisda ang pinagkakakitaan ngpamumuhay ng mga tagaroon.

Sa ikatlong taong pagsasama ng mag-asawa saka pa naglihi si Vilma. Sa kanyang paglilihi laging gustong iulam sa pagkain ay isdang bangus.

May mga araw na walang mahuling bangus si Tirso kaya si Vilma’y nagtatampo at hindi na kakain. Siya ay iiyak nang iiyak.

Isang araw si Tirso ay pumunta sa dagat. Siya’y walang malamang gawin nang makarinig ng sigaw. Makatatlong ulit na narinig niya ang kanyangpangalan. “Tumingin ka sa ibaba!” ang sabi ng tinig.

Tumungo si Tirso at nakita ang isang malaking isdang bangus, maganda at may korona.

“Ako’y nagmula sa kailaliman ng dagat. Ako ang hari ng kara-gatan. Baka ikaw ay may kailangan. Ako’y handang tumulong sa iyo!”

Nagtapat si Tirso. “Ang aking asawa ay nagdadalang-tao. Lagi siyang humihingi sa akin ng isang bangus. Wala akong ibigay. Wala akong mahuli sa dagat at wala ring mabili sa pamilihan.”

“Kita’y tutulungan. Linggo-linggo o kahit araw-araw kita’y bibigyan ng bangus sa isang kondisyon?”

“Ano ang kondisyon?”

“Pagdating ng iyong anak sa gulang na pitong taon, siya’y ibibigay mo sa akin!”

Yayamang walang ibang paraan sa pagkakaroon ng isdang bangus para sa kanyang asawa, siya’y pumayag.

“Bukas magsisimula ang rasyon. Bibigyan kita ng isda.” Sila’y naghiwalay nakapuwa nasiyahan.

Nang sumunod na araw si Tirso ay nagpunta sa aplaya. Nakita niya ang mga isdang handa at nakahanay sa buhanginan. Kinuha niya ang mga ito at iniuwi. Niluto ni Vilma ang mga isda at ang mag-asawa’y nagsalo. Ganito ang pangyayari kahit na si Vilma ay nagsilang na ng sanggol.

Pinangalanan ang sanggol na Marita. Napakaganda ng bata! Mahal na mahal ng ama’t ina si Marita. Ito’y maitim ang buhok, at mga mata’y kumikislap tulad ng sa manyika.

Ang tatlo ay naglalaro sa looban ng kanilang bahay subalit tikis na hindi pinapasyal sa dalampasigan.

Ang bata ay lumaki at sa kanyang paglaki ay lalong nag-ibayo ang pagmamahal ng ama’t ina.

Dumating ang ikapitong taon ng bata. Ligalig na ligalig si Tirso. Hindi niya malaman kung paano niya ipagtatapat ang kanyang ipinangako sa Haring Bangus.

“Vilma, may ipagtatapat ako sa iyo. Huwag kang magagalit. Sa halip ay ako’y payuhan mo kung ano ang nararapat nating gawin -kung ano ang solusyon sa ating problema!”

“Ano bang problema ang pinagsasabi mo?”

“Natatandaan mo ba noong ikaw ay naglilihi? Noong gusto mong kumaing lagi ng isdang bangus? Suysuy ka nang suysuy na manghuli ako sa dagat. Sa aking pag-uwi wala akong dala. Wala ring mabili sa pamilihan. Ako’y tinulunganng mga Haring mga isda. Tinulungan ako ng Hari ng mga Bangus. Siya raw araw-araw ay magbibigay sa akin ng isdang rasyon. Dahil diyan kaya ako’y pinapangakong pagdating ng ating sanggol sa gulang na pitong taon, ibibigay ko sa kanya si Marita!”

“Hindi maaari!” sabay tulo ng luha. Siya ay tangi nating kayamanan. Hindi ko matitiis na siya ay mawalay! Sukdang aking ikamatay, ako’y tutol!”

Isang umaga si Tirso ay nagpunta sa aplaya. “Marangal na Hari ng mga isda, ayaw pumayag ng aking asawa! Ipinakikiusap na sa halip na kunin mo si Marita, ikaw ay bibigyan namin ng diamanteng singsing at anim na kalabaw!”

“Magpakalalaki ka! Pahalagahan mo ang iyong pangako at ang ating kasunduan!”

Nag-isip si Tirso. Pumasok sa kanyang loob na ang kanyang kausap ay isda lamang kaya hindi nito kayang agawin o kunin si Marita kung ito’y malayo sa dagat o sa dalampasigan. Ipinasya niya na hindi niya tutuparin ang kanyang pangako.

Siya’y nagtatakbo na walang kaputok mang sinalita.

Galit na galit ang Haring Bangus. “Oras na ang batang iyan ay pumarito sa aplaya, siya’y aking dudukutin!” naibulong sa sarili.

Mula noon ay hindi na nakita sina Tirso, Vilma at Marita sa bay-bay dagat.

Isang umaga, may dumating na batel sa dalampasigan. Ang mga tao sa baryo ay naghalimbumbungan at nag-usyoso. Ang ilan sa kanila ay namili ng kung anu-anong gamit sa bangkang nakadaong.

Natanaw ni Marita ang mga taong umakyat-manaog sa sasakyan. Tumawag ng pansin ni Marita ang matingkad na kulay ng sasakyan. Siya’y nagpunta roon. Iyon ang unang pagkakataon ng gayong uri ng bangka sa daungan.

Nang dumating doon si Marita, nakapag-alisan na ang mga tao. Marahan siyang lumapit sa bangka. Sa isang iglap siya ay sinakmal ng dambuhalang alon.

Siya’y nagpagibik at humingi ng tulong ngunit nang dumating ang saklolo ay huli na.

Ang ina at ama, kasama ang mga taganayon ay naghanap at ginalugad ang karagatan subalit nawalan ng saysay.

Tuwing sasapit ang orasyon matapos magdasal sina Vilma at Tirso, sila’y pupunta sa talukan ng alon sa pagbabaka-sakaling makita si Marita. Lumakad ang mga buwan at mga taon subalit kahit anino ay walang nakita ang mag-asawa.

Isang gabing maliwanag ang langit dahil sa kabilugan ng buwan, ang dalawang matanda ay naganyak na magdalampasigan. Sila’y may namataang isang magandang babaeng mahaba ang buhok. Ito’y lumalangoy. Ang kalahati ng kanyang katawan paitaas ay tao (human) subalit sa pababa ay walang paa. Ang pinakapaa ay puno ng kaliskis. Sa dulo ay palikpik. Ito ang unang sirena.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *