October 15, 2024

Alamat ng Saging – Version 2 [Buod]

Noon unang panahon may isang dalaga na ang pangalan ay Maria. Labis siyang hinahangaan dahil sa taglay na kagandahan niya. Ang hardin niya ay puno ng halaman na namumukadkad ang mga bulaklak sa ganda. Mayroong rosas, santan at waling waling.

Nakikipagtagisan ng ganda ang dalaga sa bawat bulaklak na dito ay makikita.

Parang kabubukadkad na bulaklak pa lang si Maria. Siya ay batang-bata pa. Bagamat marami nang aali-aligid na nanliligaw ay wala pa siyang mapili isa man.

Kay Maria, hindi mahalaga kung sino ka. Ang tanging basehan niya sa pagsinta ay kung gusto ba niya ang binatang sa kanya ay nagmamahal.

Isang hapong namumupol siya ng mga bulaklak ay may isang makisig na binatang bumaba sa isang karwahe. Natiyak ni Mariang galing sa isang marangal na pamilya ang ginoo. Ipinagtanong ng binata kung saan daw ba makikita ang plaza. Itinuro ni Maria ang tamang daan. Nagpasalamat na may ngiti sa mga labi ang binata. Hindi alam ni Mariang gusto lang palang makipagkilala ng ginoo kaya ito bumaba sa tarangkahan ng hardin nila.

Magmula noon, buwan-buwan nang dumadalaw sa hardin ang binatang nakakarwahe na nagpakilala sa pangalang Aging. Nang makasiguro si Maria sa matapat na saloobin ng binata ay sinagot ito ng dalaga.

Isang hapon ay nagulat si Maria nang humahangos na dumating ang kasintahan.

“Ikinalulungkot ko Mariang sa lalong madaling panahon ay ipagsasama kita sa aming daigdig. Natatakot akong baka hindi ko na matutunan ang daan papunta sa inyong sangkalupaan. Unti-unti nang napapansin ng aking mga kalipi ang lagi kong pagkawala sa aming daigdig.”

Nahintakutan ang dalaga na baka mawala na sa kaniyang paningin ang tanging binatang nakapagpatibok sa puso niya.

Sa sobrang pagkalito ay lalong dumiin ang pagkakakapit ni Maria sa mga kamay ni Aging nang magpapaalam na ito.

Iba pang Alamat:

Alamat ng Pakwan [Buod]

Alamat ng Pinya – Version 2 [Buod]

Nakaalis at nakaalis ang nagmamadaling binata ay di napansin ng humahagulgol na dalaga na lalong humigpit ang tangan niya sa naputol na mga kamay ni Aging na inaagusan ng sariwang dugo.

Sa matinding takot ay ibinaon ni Maria ang dalawang putol na kamay sa kanyang hardin.

Tulad ng pangamba ni Maria ay di na nga nakabalik pa si Aging. Makalipas ang mga araw ay napansin ng dalaga na may sumibol na halaman sa lugar na kanyang pinagbaunan. Lumaki ang halaman. Naging malusog na puno ito at namunga.

Nagtataka si Mariang kahawig ng mga bunga nito ang mga daliri ni Aging. Ilang linggo pa ay sumulpot naman ang animo puso nitong kulay pula sa labis na pagmamahal.

Ang pangalang Aging ay naging Saging. Yan ang alamat ng unang saging.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *