April 13, 2024

Alamat ng Lindol [Buod]

Ang Alamat ng Lindol [Buod]

Noong unang panahon, sa isang Bulubunduking lugar, may isang higanting tao na nakatira doon. Siya si Indol. Sa sobrang laki ni Indol, kailangan tingalain mo sya para makausap. Pero marami takot sa kanya dahil sa sobrang kalakihan niya.

Malupit na higante si Indol. Kailangan mong magtago kapag galit siya, kasi pag nahuli ka niya, bubuhatin ka at biglang ibabalibag nalang.

Masuwerte ka kung sa putikan ka babagsak. Kung sa batong nakausli ay magkakabali-bali ang iyong kaawa-awang katawan. Nakikisama na lahg ang mga tao kay Indol. Sa takot nilang mapaaga ang kamatayan ay pumapayag na silang paalipin sa buhong na dambuhala.

Araw-araw ay dinadalhan si Indol ng mga usang napapana, baboy-damong nasisibat, prutas na nasusungkit at mga gulay na naaani. Kailangang laging maraming handog sa mesang kainan ang mga tao upang hindi mag-alboroto sa galit si Indol.

“Ako ang pinakamakapangyarihan dito!” sigaw niya sa mga nanginginig pang nagsipaghandog. “Lahat ng maibigan ko ay kailangang sundin ninyo! Wala akong kinatatakutan.

Babaliin ko ang leeg ng sinumang hindi magdala ng handog sa aking hapagkainan. Lahat ng masasarap na pagkain ay dapat ninyong ibigay sa akin. Ako ang bathala ninyo dito sa bulubundukin. Kapag sumuway kayo ay makikita ninyo ang hinahanap ninyo! Gigibain ko ang mga tirahan ninyo at ibabalibag ko kayo mula sa pinakamatarik na bundok dito!”

Iba pang Alamat:

Alamat ng Paro Paro Version 2 [Buod]

Alamat ng Ilog Pasig [Buod]

Nangangalog ang mga baba ng mga tao nang humalakhak nang malakas ang higanteng abusado.

Isang gabi ay bumuhos ang malakas na ulan. Matatalim na kidlat ang gumuhit sa kalawakan na sinundan ng nakatutulig na dagundong ng kulog. Noon lamang nakakita ng ganoong katatalim na kidlat ang mga mamamayan. Kahit nakasara ang mga bintana ay nagliliwanag pa rin ang mga kidlat sa mga butas nilang dingding.

Sa bawat kislap ng kidlat ay nagtatalukbong sila ng kumot. Kung takot sila sa higante ay higit silang takot sa kislap ng kidlat na sa tingin nila ay tatama sa kanila sa isang iglap. Nagsipagdasal sila sa kanilang mga anito upang papalayuin ang matatalim na kidlat.

Nang hutnupa ang malakas na ulan ay nakarating kay Indol ang labis na pagkatakot ng mga mamamayan.

“Ako lang ang dapat nilang katakutan!” galit na sigaw ng naiinggit na higante. Sa sobrang pagkainis ay hinintay na muli ni Indol ang malakas na pag-ulan. Matagal siyang naghintay. Lumabas siya sa kweba nang bumuhos ang malakas na ulan.

Nang makakita siya ng matatalim na balangkas ng kidlat sa hangin, hinabol niya ito. Masisira ang punong nadadaanan niya sa pagtakbo. Malapit nang gumuho ang mga bahay sa paligid niya. Namatay ang mga baboy na kanyang natapakan. Tumakbo dito tumakbo doon ang Higante. Ngunit gaano man kabilis gawin ito, wala itong silbi. Ni hindi niya kinaya habulin ang kidlat na kumikislap sa itaas.

Sa sobrang galit ay lalong binilisan ni Indol ang paghabol. Sa kasamaang palad ay napatid ang paa niya sa isang nakatumbang puno ng mangga at nahulog siya sa isang malalim na hukay. Pinilit ni Indol na makaahon sa hukay pero lagi siyang dumudulas sa mga batong tinutuntungan. Sa tuwing magpipilit siyang sumikad at lumundag ay yumayanig ang lupa na ikinahihilo ng mga tao sa kanilang bahay.

“Si Indol yan na nahulog sa hukay. Nagdadadamba siguro kaya para tayong idinuduyan.”

Sinasabing hanggang sa kasalukuyan ay naroroon pa rin sa malalim na hukay si Indol. Kapag nababasa ito ng ulan ay nagpipilit itong makaahon. Kapag nadudulas sa mabatong hukay ay nagdadadamba ito. Kapag naramdaman na ng mga tagabundok ang idinuduyang kapaligiran ay sasabihin na nilang:

“Si Indol… si Indol.” na nang lumaon ay naging Lindol! Lindol!

Sa kasalukuyan, kapag umuuga ang lupang kinatatayuan natin o kinatitirikan ng bahay natin ay sumisigaw din tayo:

“Lindol! Lindol! o Lumilindol! Lumilindol!”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *