December 30, 2024

Alamat ng Pagong [Buod]

Ang Alamat ng Pagong [Buod]

Noong unang panahon, may isang matandang lalaki na ang pangalan ay Gat Urong-Sulong. Sikat siya ng kabataan niya sa kanilang lugar pero sadyang ganoon yata ang panahon na nakakalimutan ka paglipas ng iyong kapanahunan. Taga Barangay Lubog Litaw si Gat Urong Sulong.

Palaboy laboy nalang si Gat Urong Sulong sa kanilang Barangay sa ngayon.

Isang maliwanag at napakaganda ng gabi, ang buong Barangay Lumubog-Lumitaw ay nagdiriwang. Ipinagbubunyi nila ang pag-iisang dibdib nina Lakan Alamid at Dayang Matampuhin. Tanging si Gat Urong-Sulong ang nagmumukmok sa kalungkutan.

Ang babaing una at huli niyang minahal ay nagtaksil sa kanya at sumama kay Gat Alamid na ngayon ay bagong lakan ng barangay. Iyan palang lalaki, masugatan man ang puso at dibdib, ang lahat ay mababata at matitiis; ngunit kapag dangal niya ang siyang nagkadungis sasabog ang lupa, babagsak ang langit!

At tinungo ni Gat Urong-Sulong ang baybay-dagat. Matamlay na umupo sa ibabaw ng isang malapad na bato. Ang mga larawan ng nakalipas ay isa-isang nagdaan sa kanyang gunita, hanggang sa ang mga ito ay papanglabuin ng mga patak ng luha. Bigla siyang napabuntung-hininga nang madama ng sarili ang masaklap na kasalukuyan.

At nabuo ang isangpasiyang mapait. Kung ang puso niya’y bigo at sawi sa pag-ibig, ang lunas ay kagyat na pananahimik…! Humahalakhak at bumubulong ang hangin at ang laot ng dagat ay kumakaway at nag-aanyaya ng kamatayan!

“Patawarin mo ako Bathala…!” usal ni Gat Urong-Sulong, “Tanging ito lamang ang lunas!” At siya’y tumindig… lumakad! Kumalabusaw ang tinig… papalayo… papalayo… patungo sa laot ng karagatan! Subalit atas mandin ng tadhana, biglang umugong ang kapaligiran, yumanig ang lupa…! Lumindol…! “Ha-ha-ha…!” ani Gat Urong-Sulong,

“Ilakas mo pa at nang mamamatay kaming lahat…!” Tinugon siya nang biglang pagkiwal ng tubig!

Kamuntik na siyang bumaligtad nang siya’y bundulin ng isang nagsusumagsag na munting alon! At sa dako pa roon ng dagat ay nakita niya na gumugulong, ang nakasisindak at naglalakihang mga alon patungo sa dako niya at sa Barangay Lumubog-Lumitaw!

Umalikabok at uilandang ang mga buhangin sa dalampasigan sa ginawang sagsag-takbo ni Gat Urong-Sulong! Parang ibininit ng palasong tinungo niya ang barangay… sa dakong kinalalagyan ng isang malaking gong.

Sa nalalabi niyang lakas ay pinalo niya ang gong… sunod-sunod, hataw-tunog, pandalas… mabilis! Ang “Pag-gong” na iyon ang tanging lunas upang mapatalastasan ang lahat sa napipintong panganib.

Iba pang Alamat:

Alamat ng Sampaguita Summary

Alamat ng Makahiya Summary

Bawat lakbay-tunog ay umalingawngaw sa buong barangay; sinagap at ipinagsalin-salin ng mga tambuli sa lahat ang nakagigimbal nitong hatid-patalastas na nagbabayad ng “Madaling Paglikas sa Burol!” Ang “Pag-gong” ni Gat Urong-Sulong ay patuloy… at patuloy din ang paglikas sa burol ng libu-libong nilalang.

Makalipas ang ilang saglit ay bahagi na ng karagatan ang buong barangay nang sakmalin ito ng mga rumaragasang dambuhalang alon! “Salamat kay Gat Urong-Sulong! Kung hindi sa kanyang “Pag-gong” ay wala sinumang makaliligtas sa atin!”

Humupa na ang baha at nagbalik na rin ang mga limikas. Subalit nawawala si Gat Urong-Sulong; nawawala rin ang malaking gong. Sila marahil ay kapwa tinangay ng baha.

Nalutas ang paghahanap ng mga tao nang isang araw ay makapansin sila ng mahiwagang hayop sa lugar na dating kinalalagyan ng ging at ni Gat Urong-Sulong.

Kataka-taka ang anyo ng hayop na iyon na ang talukab sa likod ay mistulang larawan ng gong na nawala. Nagpasiya ang Pandita ng barangay. “Ang mahiwagang hayop na ito ay tatawagin nating ‘Pagong’ mula ngayon, bilang pagkilala sa isang ulirang pagpapakasakit ng isang dakilang puso.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *