December 2, 2024

Alamat ng Pusit [Buod]

Noong unang panahon sa mga sapa, ilog at dagat ay walang bagay na nabubuhay. Ang Bathala ng Karagatan ay nalulungkot sapagkat pawang alon ng tubig ang nakikita niyang takbuhan nang takbuhan.

“Ah, gagawa ako ng mga bagay na makalalangoy sa tubig o makauusad sa rnga pampang.” nakangiting nangusap ang Bathala ng Karagatan.

Sa isang kisapmata ay nagkaroon ng naglalanguyang bagay sa tubig.

Noong nakaraan, ang mga hayop sa tubig ay laging nakikipaglaban. Pinahintulutan ng Bathala ito. Nang makita niya ang mga hayop na nasugatan sa labanan, tumawag siya ng isang malaking pagpupulong. Nagsalita siya hanggang sa paglubog ng araw. Kinabukasan, nang dumating ang takdang panahon, ang Panginoon ay naupo sa trono sa tabi ng dagat na may masayang puso. Sunod-sunod na nagsidatingan ang mga lumalangoy na insekto.

Nang inaakalang nakikinig na ang lahat sa kanya ay nagsimulang magsalita ang Bathala ng Tubig, “Gusto kong magkasundu-sundo kayo nakatira man kayo sa sapa, ilog o dagat. Kailangang igalang ninyo ang bawat isa.”

“Aba, mas malaki po ako. Kailangan pong igalang ako lalo na ng maliliit!” pagyayabang ng Balyena.

“Walang mala-malaki sa tubig, Balyena. Ang paggalang ay hindi batay sa liit o laki. Ito ay base sa kung ang pag-uugali mo ay masama o mabuti.” paglilinaw ng Bathala.

“Ano po ba ang mga pag-uugaling kagalang-galang?” usisa ng Barakuda.

“Kagalang-galang ka kung ikaw ay nagmamahal sa iba.”

“Kahit po ba pangit ay kailangang mahalin?” tanong ng Dalagang Bukid.

“Aba oo, wala sa panlabas na anyo ang tunay na kagandahan. Nasa puso natin ito. Magiging kagalang-galang ka kung mabait ka, kung matulungin ka, kung handa kang dumamay sa kalungkutan ng iba.” pagdidiin ng Bathala.

“Anu-ano pa po ba ang iba pang pag-uugali na masasabi nating maganda?” dagdag na tanong ni Hipon.

“Maganda kung ang trato mo sa lahat ay pantay-pantay, walang mataas walang mababa. Ang bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang mapagtatagumpayang gawain. Walang nilalang ang Diyos na nahuhuli o nakauungos.” pagpapaliwanag ni Bathala.

“Kailangan po palang pantay lang ang ating pagtingin sa Dilis at Pating. Kahit ang una ay may kaliitan at ang huli ay may kalakihan. Pareho silang naninirahan sa dagat.

Iba pang Alamat

Alamat ng Hagdang Palayan sa Ifugao [Buod]

Alamat ng Durian [Buod]

Dapat tandaang pribilehiyong nakakapasok sa maliliit na siwang ng mga bato ang Dilis samantalang ang mga Pating naman ay milya-milya ang distansyang nalalangoy. Isang katotohanan lamang na may mga bagay na maliliit na nakapupuwing. May magagawa ang Dilis na hindi makakayang gawin ng Pating.” paliwanag ni Alamang.

Naging maganda ang pagpapalitan ng mga kuru-kuro. Upang lalong maging aktibo ang partisipasyon ng bawat isa, pinasimulan ni Bathalang muling bigyan ng kani-kaniyang trabaho ang bawat grupo batay sa kani-kaniyang magagandang katangian.

“Kayo na may mga lagare ang puputol sa masasamang ugali ng bawat nilalang na lumalangoy sa sapa, ilog at karagatan.”

“Masusunod po,” payukong sagot ng mga Lagareng Isda.

“Kayo na may malalaking bibig ang magiging tagasigaw ng mga iniuutos ng inyong Bathala.”

“Tinatanggap po namin,” sagot ng mga Buwaya.

“Kayo na sobra sa lapad ang papasan sa maliliit na Tulya, Tahong at Talaba.”

Tinatanggap po namin,” pahayag ng Lumba-lumba.

“At kayo na may mga sandatang nakaiipit ang magpapanatili sa katahimikan ng ating kaharian.”

“Masusunod po,” mabilis na tango ng mga Alimango.

Habang nagbibigay ng ilah pang pagtatakda si Bathala ay natanaw ng lahat na paparating ang pinakamapuputing Pusit na nakasakay sa milyong Guraming sa kaliitan ay mangiyak-ngiyak sa pampang.

Pagkaahon na pagkaahon ng mga Pusit ay nagpausad-usad ang mga ito hanggang sa marating ang pintuan ng kaharian.

“Paraanin ninyo kami!” galit na sigaw ng mga nagmamadaling Pusit habang hinaharang ng Lagareng Isda.

Nang ayaw papasukin ang nagpupumilit na mga Pusit na tumatakbong papasok ay nag-usisa si Bathala.

“O bakit humahangos kayo?”

“Nahuli kami. Napasarap kami sa kalalangoy sa tubig. Iyang Lagareng Isda ninyo ayaw kaming papasukin sa palasyo! Sobra sa yabang!” Inis na kinalkal ng mga Pusit ang lupang kinatatayuan at isinawsaw ang mga nguso sa putikan. Pinagsusumpit nila ang mga Lagareng Isdang napilitang magtago sa likod ni Bathala.

Upang disiplinahin ang mga Pusit ay pumagitna ang mga Alimango na puputol sa masasamang ugali ng mga Pusit. Pero nang akmang sisipitin na ng mga Alimango ang mga Pusit ay muling isinawak nila ang mga nguso sa maitim na putik. Sa takot na baka sila rin ay maputikan, nagtatakbo ang mga Alimango na ikinagalit ni Bathala.

“Teka muna may mga gawain pala kayong itinatakda. Ano ba ang ibinigay ninyo sa amin? Tiyak na maganda ang trabaho namin dahil mapuputi kaming lahat. Makikisig ang mga anak naming lalake at magaganda naman ang mga anak naming babae,” pagyayabang ng mga Pusit.

Nang makitang hawak ni Bathala ang listahan ay hinablot ito ng mga bastos na Pusit. Nang makitang wala silang papel na gagampanan sa kaharian ay pinagpupunit nila ang kalatas at pinagsusumpit ang lahat.

Hindi na nakapagpigil ang Bathala ng Karagatan. Tinawag ang lahat ng Alimango at ipinadakip ang mga Pusit sabay pahayag, “Isinusumpa ko ang angkan mo Pusit. Magmula ngayon ay hindi mo na kailangang isawak ang nguso mo sa putikan. Lagi ka nang magkakaroon ng putik sa buong katawan. Ito ang maisusumpit mo nang maisusumpit sa buhay at kamatayan.”

Sa isang iglap ay naging kulay itim ang mga Pusit na may tila tintang itim na isinusumpit. Sapagkat parang pusikit na kadiliman ang hatid ng Pusit, ang pusikit ay naging Pusit.

Iyan ang pinagmulan ng alamat ng Pusit.

Aral sa Alamat ng Pusit:

Matutong magpakumbaba at huwag maging mayabang dahil sa nakakaangat ka sa iba.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *