January 15, 2025

Alamat ng Sampaguita – Version 2 [Buod]

Ang Alamat ng Sampaguita – Version 2 [Buod]

Noong unang panahon, si Datu Dangal na puno ng Barangay Maynila ay matalik na kaibigan ni Datu Tapang na puno naman ng Barangay Balintawak. Laging nagtutulungan ang kanilang mga tauhan upang mapaunlad at mapaganda ang kani-kanilahg lugar.

Kapag nauuhaw sa tubig ang mga pananim ni Datu Dangal, tinutulungan ni Datu Tapan ang mga kaibigan na kumuha ng tubig mula sa gripo upang patubigan ang malalawak na bukirin sa mga kalapit na barangay. Nang magkaroon ng taggutom sa Barangay Balintawak, buong pusong ibinigay ni Datu Dangal ang isang inalay na baka sa isang kaibigan upang ibahagi ang kanyang pasasalamat sa mga mabait na sundalo ng pinuno.

Lagi silang nagpapalitan ng mga aning palay at mais. Nagbibigayan din sila ng mga alagang pabo at manok o kaya naman ay pinanday na punyal at itak. Kung nangangailangan ng tulong ang isa, madaling mag-aabot ng kamay ang kaibigan niya. Magkaibigang-magkaibigan si Datu Dangal at Datu Tapang. Hangad nila ang pag-unlad ng bawat isa. Dasal nila ang pagtatagumpay ng bawat barangay na pinamumunuan nila.

Si Datu Dangal ay may kaisa-isang anak na dalaga na kapuri-puri sa pag-uugali at hinahangaan sa angking kagandahan. Sapagkat inaakala ni Datu Dangal na bata pa sa ngalan ng pag-ibig ang anak, lagi niya itong ipinakikilala na anak niyang dalagita na pinagdidiinan niyang nagngangalang Gita.

Kapag may mga mangangalakal sa iba’t ibang barangay na naiimbitahan si Datu Dangal, lagi at laging sa ganito nauuwi ang usapan:

“Napakaganda ng anak ninyo, Datu Dangal! Maaari bang makapanhik ng ligaw ang binata ko?”

“Bata pa si Gita. Paghintayin mo ang binata mo. Darating din ang panahong magiging ganap na dalaga ang aking dalagita.”

Kahit nakangiti ay nakatiim ang mga bagang ni Datu Dangal sa katotohanang maaaring ilayo ng sinumang mangingibig ang kaisa-isang anak.

Upang hindi gaanong mapagkita ng mga kabinataan, si Gita ay laging pinababantayan ni Datu Dangal sa ilang piling dama na kaniyang pinagkakatiwalaan.

Hindi alam ng mga dama na sa isang pagtitipon sa palasyo ay nakilala ni Gita ang natatanging anak na binata ni Datu Tapang. Sa dahilang nabighani ang binata sa ganda at ugali ni Gita ay hindi nito napigil ang sariling magtapat ng pag-ibig. Hindi maipaliwanag ng dalaga kung bakit may kakaibang misteryo kapag kausap niya ang binata. Sinuri niya ang sariling damdamin. Hindi naglihim si Gita sa mga dama. Ipinagtapat niya ang pagmamahal niya sa binatang umiibig din sa kaniya.

Nalaman ni Datu Dangal ang panunuyo ng binata sa kaniyang dalagita. Lubhang nabagabag ang ama ni Gita. Pinagsabihan nito ang mga dama na ‘lalong higpitan ang pagbabantay sa anak niya. Ipinaliwanag ng mga dama na dalaga na si Gita at sa tingin nila ay may karapatan na itong pumili ng binatang mamahalin. Winalang halaga ni Datu Dangal ang mga paliwanag. Binigyang diin niya na ang utos ng hari ay di mababali.

Nag-iiyak nang nag-iiyak si Gita. Inisip niyang hindi siya nauunawaan ng ama niya. Naniniwala siyang hindi iginagalang ni Datu Dangal ang sagradong pagmamahal niya. Tanging ang mga dama lamang ang nakakaintindi kay Gita. Sapagkat may mga puso ring marunong magmahal kaya nauunawaan ng mga dama ang saloobin ng dalaga.

Minsan, nang makatanggap ng isang sulat mula sa mangingibig ay nagmakaawa si Gita sa mga tagabantay na payagan siyang makipagkita sa minamahal. Bagamat natatakot ay pumayag na rin ang mga dama sa pagmamakaawa ni Gita. Pinakiusapan ng mga dama ang dalaga na kailangan niyang makabalik kaagad upang di mapansin ni Datu Dangal ang pagkawala niya. Nangako naman si Gita.

Sa Lihim na Burol nagpunta si Gita. Doon sila magkikita ng mangingibig niya. Ang nasabing Burol ay nakapagitna sa kaharian ni Datu Dangal at Datu Tapang. Tanging ang mangingibig ng dalaga ang nakaaalam sa nasabing lugar na itinuro niya kay Gitang minamahal. Sapagkat may kataasan ang Burol kaya kinakalag pa ng binata sa dalawang puno ang mahabang duyan na ibinababa upang pasakayin ang minamahal.

“O sampa na Gita, sampa Gita!”

Sumampa na si Gita sa duyang unti-unting itinataas ng binata. Masuyong inabot ng mangingibig ang mga kamay ng dalaga nang bumaba na sa duyan at maidantay na nito ang mga paa sa tuktok ng bueol. Maluha-luha sa kagalakan ang dalaga nang makita ang binata. Lalong nag-ibayo ang kagandahan ng paligid sa Lihim na Burol sapagkat nakalundo ang mabilog na buwan sa kalangitan na parang sadyang tumatanglaw sa pagtatagpo ng dalawang nagmamahalan.

Matagal ding nag-usap ang dalawa. Binigyang diin ng binata ang labis na pag-ibig niya sa dalaga.

“Tandaan mo Gita na ikaw lang ang mamahalin ko. Ikaw lang! Aalagaan kita, mamahalin at ipagtatanggol.”

Pinigil ni Gita ang damdamin kahit kumikislap sa tuwa ang mga mata. Matagal ding nag-usap ang nag-iibigan. Pero katulad ng dapat asahan, dumating ang oras ng paghihiwalay. Tumupad ang dalaga sa ipinangako niya. Umuwi rin siya kaagad.

Ipinagtapat ni Gita sa mga dama ang muling paghahain ng pag-ibig ng binata. Pinayuhan ng mga damang pag-aralan muna raw ni Gita ang damdamin niya. Sinabi nilang ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo na iluluwa kapag napaso.

Maraming pagkakataon ding pinayagang makipagkita si Gita sa binata. Tumagal din ng mga linggo, buwan at mga taon bago pormal na sagutin ng dalaga ang mangingibig niya. Naniniwala si Gita na marapat lamang na sagutin ang iniluluhog na pag-ibig sapagkat bukod sa anak ng datu ang binata, ito ay marangal at may paninindigan. Nakikini-kinita ni Gitang ang binata ay magiging mabuting asawa at maipagkakapuring ama ng mga iaanak niya.

Planong ipagtatapat na sana ng magkasintahan ang balak nilang pagpapakasal nang mapabalita ang nagbabantang pagsalakay ng mga mandarambong na dayuhang pinamumunuan ni Limahong. Napahiya raw ang lider na dayuhan nang hindi payagan ni Datu Dangal na makapanhik ito ng ligaw kay Gita.

Kampante si Datu Dangal na malakas ang barangay niya na kayang lumaban sa alinmang grupo ng mga dayuhang mandirigma. Subalit mali siya sapagkat marami na rin palang bataan si Limahong. Nakapag-ipon na rin ito ng maraming sandatang nanggaling sa mga tinalo o kinaibigang mga dayuhang mangangalakal na galing pa sa malalayong karagatan. Ang pagsalakay ni Limahong ay naging isang problema kay Datu Dangal. Nang mapansin ng dalagang marami-rami na rin ang napapatay sa kanilang mga kawal ay mabilis itong nagtatakbong palabas ng kanilang kaharian. Tinungo niya ang Lihim na Burol kung saan naghihintay ang matapat niyang kasintahan. Nang matanawan ng binatang humahangos ang dalaga kasama ang mga dama ay mabilis nitong kinalag ang duyan at inilundo sa burol.

Iba pang Alamat:

Alamat ng Kawayan [Buod]

Alamat ng Saging [Buod]

“Sampa na Gita, madali! Sampa Gita!”

Isinampa ng mga dama ang nanginginig pa sa takot na dalaga. Nang abutin ng binata ang kamay ng kasintahan ay dali-dali silang nagyakap. Maluha-luhang isinalaysay ni Gita ang malakihang pagsalakay nina Limahong. Alalang-alala si Gita sampu ng kaniyang mga dama sa mapanlinlang na pakikipagdigmaan ng mga dayuhang mandarambong.

“Ma… mahal ko… tulungan mo ang amang datu ko. Maraming sandata ang mga kaaway namin. Marami nang nangamatay sa aming barangay.” Nangangatal ang buong katawan ni Gita habang humihingi ng saklolo sa kasintahan niya.

“Napag-usapan na namin ng aking ama ang dapat naming gawin. Ako raw Gita ang mamumuno sa mga kawal namin. Ako ang magpapatumba sa mga kawal ni Limahong!”

Nagimbal si Gita sa sinabi ng kasintahan. Alam niyang hindi biro na pamunuan ang isang barangay na nakikipagdigmaan. Pero inalo siya ng kasintahan.

“Huwag kang matakot mahal ko. Ako ang tagapag-mana ng aming kaharian. Dapat ko lang itong pamunuan sa oras ng pakikipagdigmaan! Dito ka lang sa Lihim na Burol. Mamatay man ako o mabuhay sa labanan ay mamahalin kita hanggang Ubingan.”

Mabilis na nagpadausdos sa isang mahabang lubid ang binata. Naiwang nag-aalala si Gita sampu ng mga dama. Ang Lihim na Burol na isang munting paraisong nalalatagan ng mga luntiang damuhan ay lugar ngayon na pinaghaharian ng kalungkutan at pag-aalala.

Matapang at sanay sa pakikidigma ang binata. Marami siyang nagaping kawal ni Limahong. Sa isang iglap ay nakaharap niya ang mandirigmang lider ng mga dayuhan. Nagkadikit ang mga kilay ni Limahong sa sobrang galit. Matapang ito at parang diyablo sa pakikipagpatayan. Pero higit na mabilis na parang lintik ang binata na inspirado sa pagmamahal ni Gita.

Ulos dito. Ilag diyan. Taga sa tagiliran. Saksak sa likuran. Latang-lata si Limahong. Pawisang-pawisan ang binata. Sa huling ulos ay nasentruhan ng binata ang dibdib ng dayuhan. Lagapak sa batuhan ang gahaman. Nakita pala ng kanang kamay ni Limahong ang ginawang pagpapatumba sa kanilang lider. Isang grupong kabig ni Limahong na may matitipunong pangangatawan at higit na matatalim na sandata ang sumugod sa binata. Marami ring ulo ang tinagpas ng binata subalit isang matulis na sibat mula kay Gogol na kanang kamay ni Limahong ang itinarak sa kanyang dibdib. Bagsak siyang umiikot ang paningin.

Ang malakas na sigaw ng kamatayan ay dinig ni Gita sa mataas na burol na kinarororoonan. Binuo ng dalaga sa sarili na kailangang ipaghiganti niya ang mahal na kasintahan. Kahit na pinipigil ng mga damang alalay ay nagpumilit ang dalagang sumampa sa duyan, bumaba sa burol at makipaglaban sa mga ganid na kaaway. Sa bendisyon ng ama ng kasintahan at ng tunay na amang pinakamamahal ay nagkaroon ng dagdag na lakas si Gita. Nag-iibayo ang tapang ng dalaga sa tuwing maririnig niya ang malakas na tinig ng kasintahang malakas na sumisigaw na, “Sampa na Gita! Sampa na Gita! Sampa na Gita!”

Ang pagsampa ni Gita ay hindi na sa duyang naghahatid sa kaniya sa Lihim na Burol kundi sa mabikas na kabayong pandigmaang maghahatid sa kaniya sa umaatikabong labanan. Dala ang duguang sandata ng kasintahan, napagtagumpayang itaboy ni Gita ang mga dayuhan. Sa kasamaang palad ay tinamaan ang dalaga ng isang ligaw na sibat mula sa kampo ng tumatakas nang mga kaaway. Duguan siyang sumadsad sa maalikabok na daan. Bago siya pumanaw ay ipinakiusap niya kay Datu Dangal at kay Datu Tapang na sana ay ilibing silang magkasintahan sa Lihim na Burol na nag-uugnay sa dalawang barangay. Iginalang ng dalawang datu ang kahilingan. Sa halip na ipagluksa ang kamatayan ng magkasintahan ay ipinagdiwang ng lahat ang isang dakilang pag-iibigan.

Lumipas ang maraming taon. Takang-taka ang marami nang may tumubong halaman sa pinaglibingang Lihim na Burol. Ito ay may mapuputi at mababangong bulaklak. Sa dahilang tuwing gabi lalo na’t bilog ang buwan ay may tila bulong na hangin ng isang binatang umiibig na nagsasabing, “Sampa na Gita! Sampa na Gita.” Ang bulaklak na puting-puti sa kabusilakan ay tinawag na Sampagita bilang pagpupugay sa isang pagmamahalang nagniningning sa buhay man o sa kamatayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *