Ang isang mayamang ama ay may dalawang anak na lalaki. Parehong mahal na mahal ng ama ang dalawang anak niya. Isang araw, hiniling sa kanya ng nakababatang anak na manahin ang ari-arian ng kanyang ama.
Ayaw man ng ama na gawin ang gusto ng bunsong anak, napilitan din siyang ibigay ito dahil sa pangungulit ng bunso.
Matapos matanggap ng bunso ang mana, agad niya itong ipinagbili sa loob lamang ng ilang araw. Pagkatapos noon ay umalis siya at pumunta sa isang malayong lungsod. Dito niya ginastos lahat ng napagbentahan niya sa ipinamana ng kanyang ama.
Hindi nagtagal, naubos na lahat ang kanyang salapi. Nang dumating ang taggutom sa bansang iyon ay isa na siyang pulubi. Namasukan siya bilang tagapag-alaga ng mga baboy. Dahil sa gutom, nais na niyang kainin pati pagkain ng mga baboy na alaga niya. Ngunit maging ito ay ipinagkakait din sa kanya ng kanyang amo.
Dahil sa labis na hinagpis at kagutuman, naisip ng bunsong anak ang kanyang kalagayan ng nasa kanila pa siya. Ang mga tauhan ng kanyang ama ay maayos na nakakakain. Dahil dito nagpasya ang bunso na umuwi nalang sa kanila.
Nang makita ng ama ang kalagayan ng anak ay nahabag siya. Agad niya itong nilapitan at hinalikan.
“Patawarin mo ako ama at ng Diyos sana sa nagawa kung kasalanan. Hindi ako karapat dapat na maging anak mo. Ituring monalang ako na isa mong alila.” sambit ng bunsong anaka.
Ngunit inutusan ng ama ang mga alila na linisan at bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan. Ipinasuot din niya rito ang isang mamahaling singsing, at binigyan ng sapatos para sa kanyang mga paa. Ipinagpatay din siya ng isang matabang baka at sa ngalan niya ay nagkaroon ng isang pagdiriwang.
“Ang anak ko ay nawala at ngayon ay nagbalik. Ipagdiriwang natin ang kanyang pagbabalik,” ang sabi ng nagagalak na ama.
Namangha ang nakatatandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Itinanong niya sa isang katulong kung ano ang sanhi ng pagdiriwang. Nang malaman niya ang sanhi ng kasayahan ay gayon na lamang ang kanyang galit kaya’t di napigilan ang kanyang sarili at sinumbatan ang ama.
“Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibugha ninyong anak na lumustay ng inyong kayamanan ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang!”
Sumagot nang marahan ang ama, “Anak ko, ikaw ay lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay iyo. Tayo’y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay. Siya ay nawala at muli nating nakita.”
Aral sa Parabula ng Alibughang Anak
Huwag maging mapaghangad sa pera lamang, mas mahalaga padin ang pamilya kasi sila lang naman ang pwede mong sandalan sa oras ng pangangailangan.
2 thoughts on “Ang Alibughang Anak (Buod)”