Noong unang panahon ay may isang Kabayo ang labis na naiingit sa pinakamabangis na hayop sa gubat ang Leon.
“Mabilis nga akong tumakbo, nasasakyan ng tao at nakapaghahatid ng mga kargamento pero hindi naman ako niyuyukuran sa kagubatan.”
“Alin bang hayop sa kagubatan ang gusto mong tularan?” usisa ng mga Unggoy.
“Natural, gusto kong maging isang Leyon na kinatatakutan sa pagiging Hari nito sa buong kagubatan.”
Napailing nalang ang mga unggoy sa ugali ng kabayo, hindi ito marunong makuntento sa kanyang kalagayan.
Isang tanghali habang naghahanap ng mga talahib na makakain ang Kabayo ay natanawan nito sa gitna ng kagubatan ang isang nakabalumbong banig. Nang ilatag ng Kabayo ang banig ay laking tuwa niya sapagkat tuyong katawan ng isang makisig na Leyon ang tumambad sa kaniya.
Isinuot kaagad ng Kabayo ang baro at tuwang-tuwang nanalamin sa batis. Mayabang na naglakad siya sa buong kagubatan. Tuwang-tuwa siya nang sumaludo sa kaniya bilang Hari ang Elepante, ang Oso at ang Gorilya. Lalo siyang yumabang nang layuan siya sa takot ng Unggoy, Usa at Kuneho.
Minsang taas-noo siyang nagpapapansin sa kagubatan ay nakita siya ng mapanuring Lobo.
“Haring Leyon. Haring Leyon. Bakit hindi po yata kumikislap ang inyong balahibo kapag nasisikatan ng araw?”
“Ha?” Hindi kaagad nakasagot ang tinanong. “Na… naligo kasi ako sa batis nang makita kong duguan ang mga kuko ko matapos gawing pananghalian ang Baboyramo.”
Napaurong ang Lobo hindi sa pananakot ng impostor na Leyon kundi sa naibang tono ng pagsasalita nito.
Nagduda ang Lobo. Alam niyang hindi Leyon ang kausap niya. Para patunayan na impostor ang Leyon ay ibinalita ng Lobo na darating na ang mga Leyon sa kabundukan. Sa pagkasindak ng impostor ay napahalinghing ito. Napagsino ng lahat na Kabayong nagdamit Leyon lang ang impostor. Nang malaman ng lahat na naloko sila ng mapagbalatkayo ay hinabol nila ito upang ilublob sa kumunoy pero mabilis itong nakatakbo papalayo sa kagubatan.
Aral sa Pabula ng Kabayo na nagdamit Leon:
Makuntento kung ano ang meron ka na sa ngayon. Ikapapahamak mo ang labis na kasakiman
Iba pang babasahin:
One thought on “Ang Kabayo na nagdamit Leon [Buod ng Pabula]”