December 21, 2024

Alamat ng Ampalaya [Buod]

NOONG ARAW, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay. Dito makikitang naghahabulan sina Labanos at Mustasa. Nagpapatintero rin sina Bawang, Sibuyas, Upo at Patola. Nagtataguan sina Singkamas, Talong, at Luya habang nagluluksong-baka sina Kamatis at Kalabasa.

Isang araw, umusbong ang isang kakaibang gulay. Siya’y si Ampalaya. Maputlang-maputla ang kulay ng balat niya at sa kahit anong lasa’y salat siyang talaga!

Dahil dito, unti-unting pumulupot ang mabalahibong inggit sa katawan ni Ampalaya. Naging bugnutin siya at maiinitin ang ulo. Lahat ng gulay na lumapit sa balag niya ay binubulyawan niya. “Wag kayong lumapit sa akin! Hindi ko kayo kailangan! Layas!” Dahil dito, nilayuan tuloy siya ng lahat ng gulay sa bayan ng Sariwa.

ISANG MAALINSANGANG gabi, isang maitim na balak ang namulaklak sa utak ni Ampalaya. “Kailangang magkaroon din ako ng lasa, kulay at ganda tulad ng ibang mga gulay!” bulong ni Ampalaya sa sarili. Habang nananaginip ang mga gulay, isinagawa ni Ampalaya ang kaniyang balak.

Dahan-dahan, gumapang siyang papalapit sa balag ng mga walang kamalay-malay na biktima. Sinunggaban niya ang tamis ni Kalabasa. Isinilid din niya sa bayong ang asim ni Kamatis, pati na ang anghang ni Luya. Nakita rin niyang nakasampay sa bintana ang kaputian ni Labanos. Agad niyang kinuha ito.

Sinaklot din niya ang lilang balat ni Talong at ang luntiang pisngi ni Mustasa.

Ipinuslit din niya ang lutong ni Singkamas, ang manipis na balat ni Sibuyas, ang malasutlang kutis ni Kamatis at maging ang gaspang ni Patola.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Sa wakas! Nasa akin na ang lahat ng lasa, kulay, at ganda! Siguradong kaiinggitan ako ng lahat ng gulay!” sabi ni Ampalaya sa sarili.

KINABUKASAN, umalingasaw ang balita tungkol sa nakawang naganap. Nagtipon-tipon ang lahat ng gulay. Lumuwa ang mga mata ng lahat nang biglang dumating ang isang di-inaasahang bisita: isang dayuhang gulay. Iba’t iba ang kulay ng balat niya at kaya pa niyang mag-iba-iba ng lasa! Kahanga-hangang gulay talaga!

Ngunit para kay Kamatis, kaduda-duda ang pagkagulay ng bisita. Kaya’t kinagabihan, tinipon niya ang mga kasamang gulay ay sama-sama silang nanubok sa balag ng dayuhang gulay.

Kitang-kita nila ang dayuhang gulay, nakaharap sa salamin, habang isa-isang hinuhubad ang mga lasa, kulay at ganda mula sa katawan niya. Nagulat sila nang tumambad sa harap nila ang isang maputlang gulay: ang bugnuting si Ampalaya!

ISINAKDAL SA HARAP ng Kalunti-luntian, Kasari-sariwaan, Kasusta-sustansiyang Hukuman ng mga Gulay si Ampalaya. Dumating sa paglilitis ang lahat ng gulay sa bayan ng Sariwa. Nandoon din bilang hukom ang mga diwata ng Araw, Lupa, Tubig, at Hangin.

“Hindi pa nililikha ang gulay na nagtataglay ng lahat ng lasa, kulay, at ganda ng Kalikasan!” sigaw ng diwata ng Araw.

“Ikaw ay napatunayang nagkasala laban sa batas ng mga gulay at sa batas ng Kalikasan,” bulong ng diwata ng Lupa.

“A-ampalaya, ikaw ay parurusahan…” hikab ng diwata ng Tubig.

“Bilang parusa, lahat ng ninakaw mong lasa, kulay, at ganda mula sa mga kasama mong gulay ay mapapasaiyo na,” ugong ng diwata ng Hangin.

“Parusa ba ‘yon? Ano bang klaseng parusa ‘yon?” buska ng bugnuting si Ampalaya.

Pagkaraan ng paglilitis, nangako ang mga diwatang ibabalik nila ang mga lasa, kulay at ganda ng mga gulay na ninakawan ni Ampalaya. At nang gabing iyon, may kagila-gilalas na nangyari kay Ampalaya.

Nag-away ang lahat ng lasa, kulay at gandang ninakaw ni Ampalaya sa loob ng katawan niya! Nang magsuntukan ang puti, luntian, lila, dilaw, at iba pang kulay, nagmantsa ang madilim na luntian sa kaniyang balat. Nang magsabunutan ang kinis at gaspang, lumabas ang kaniyang mga kulubot. At nang magsigawan ang tamis, asim, at anghang, lumitaw naman ang pait.

MULA NOON, naging madilim na luntian ang kulay ni Ampalaya. Naging kulubot ang balat niya. At naging mapait ang lasa niya. Ngayon, kahit masustansiyang gulay si Ampalaya, marami ang hindi nagkakagusto sa kaniya.

Pero alam n’yo, nagsisi na si Ampalaya. Sa susunod n’yo siyang makita sa inyong pinggan, subukan n’yo siyang tikman at patawarin sa kaniyang mga kasalanan.

One thought on “Alamat ng Ampalaya [Buod]

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *