September 12, 2024

Alamat ng Ilang-Ilang – Version 2 [Buod]

Noong unang panahon , may magkasintahang matapat na nagmamahalan. Sila ay kapwa naninirahan sa Malabon na ngayon ay sakop ng kamaynilaan.

Ang binata ay si Lanubo. Si Cirila naman ang nobya nito.

Kagaya ng mga nakaugalian noon, para makuha ang loob ng mga magulang ng dalaga ay naninilbihan si Lanubo sa Pamilya ni Cirila.

Ang tubig ay inilabas niya mula sa isang balon upang punan ang tangke. Nakikitulong ito sa pagtatanim ng lupang pang-agrikultura. Nangisda siya para makapagluto si Kirila.

Si Cirila ay mula sa nakaaangat na pamilya. Kapwa mayaman ang ama at ina niya. Bagama’t marangya ang estado sa buhay, mabait at hindi matapobre si Cirila.

Si Lanubo bagama’t mahirap lamang ay napakasipag na binata naman. Iniidolo niya ang sariling mga magulang na may mataas na pagpapahalaga sa dangal ng isip, salita at gawa. Para sa binata, ang tao kahit na maralita basta marangal ang ikinabubuhay ay maituturing ding mayamang dapat na saluduhan.

Si Lanubo at si Cirila ay laging nagtutuwang sa maraming gawain sa bahay. Sila ay kapwa nagsisindi ng mga tuyong dahon upang pausukan at papamungahin ang mga punungkahoy sa looban. Nagtitilad ng kahoy ang binata upang may maipanggatong ang dalaga sa paghahanda ng almusal, pananghalian o hapunan.

Angkup na angkop ang pagkakapareha nina Lanubo at Cirila bilang modelong magkasintahan. Nagkasundo ang kanilang mga magulang na itakda na ang kanilang kasal sa nalalapit na pagbilog ng buwan.

Sa kagustuhan ng binata na makaipon ng madaming baboy damo at usa sa kanilang kasal, Malayo pa ang itinakdang kasalan ay isinama na ni Lanubo ang mga kaibigang binata sa kanilang komunidad upang mangubat.

Naniniwala ang binata na ang isang maringal na handaan ay magbibigay ng matagumpay na kinabukasan sa sinumang pinagtataling puso.

Sa di inaasahang pagkakataon, isang mangangalakal na Intsik ang napadako sa Malabon. Napag-alaman ng negosyante na ang pinakamagandang dalaga sa lugar na iyon ay walang iba kundi si Cirila. Kahit nabalitaan na ng Intsik ang nalalapit na kasalan ay pilit pa rin itong nagpakilala sa dalaga.

Sa pag-aakalang gusto lang makipagkaibigan sa kanilang pamilya, pinakitunguhan namang mabuti ni Cirila ang ngingisi-ngising mangangalakal. Sa dahilang marami-rami na ring mababait na Intsik ang nakaharap at naging kapalagayang loob, hindi nagdalawang isip ang ama at ina ni Cirila sa pagpapakita ng marangal na pakikipagkapwa sa bagong saltang dayuhan.

Iba pang Alamat:

Alamat ng Sampaguita Version 2 [Buod]

Alamat ng Suso [Buod]

Pero kakaiba sa mga kababayan ni Cirila ang Intsik. Nang mapatunayang napakaganda nga ng dalaga, magarbo niya itong hinainan ng mga regalo.

Lehitimong negosyante ang Intsik. Handa itong magbayad ng malaki at makipagpalitan ng kalakal makuha lamang ang pag-ibig ni Cirila. Tumanggi ang dalaga sa inihahaing pag-ibig ng Intsik. Ipinabalik na lahat ng ama at ina ang mga regalo. Naging mapilit ang Intsik. Lalo nitong dinagdagan ang mga handog na muli na namang ipinabalik.

“Hindi namin saklaw ang pag-ibig ng anak namin. Siya at tanging siya lamang ang makapipili ng kaniyang mapapangasawa.” diin ng mga magulang ni Cirila.

Minsang magpunta sa malapit na kagubatan si Cirila upang kumuha ng mga dahong pandan ay nagulat siya. Sinundan kasi siya roon ng dayuhan. Muling inihain ng Intsik ang pagmamahal. Ipinagdiinan ng mangangalakal na pakasalan lang siya ng dalaga ay mapapasakaniya raw lahat ang kayamanang naipon niya. Nagpakatanggi-tanggi si Cirila. Sa galit ng Intsik ay hinawakan nito sa kamay ang dalaga. Nagpumiglas si Cirila at kinalmot sa mukha ang nang-aabuso.

Nagpanting ang tenga ng negosyante. Hinugot niya ang matalim na kris na ipantatakot sa dalaga. Nakipag-agawan si Cirila sa patalim. Alam niyang puri niya ang nakataya sa oras na iyon. Hindi siya makapapayag na mawalan ng dangal. Sa pakikipag-agawan ay aksidenteng nasaksak sa dibdib ang dalaga na dagli nitong ikinamatay.

Sa matinding takot ay nagtatakbong umalis ang Intsik.

Inilibing ang bangkay ni Cirila sa lugar kung saan ipinakipaglaban niya ang karangalan.

Nang magbalik si Lanubo ay malungkot itong binalitaan sa kasawiang sinapit ng dalaga.

Ang mga usa at baboy damong pasan-pasan ni Lanubo at ng kasamang kabinataan ay hindi na nakita pa ni Cirila.

Parang pinagtakluban ng langit at lupa si Lanubo. Araw at gabi ay maririnig mo ang mga pagtangis ng nagluluksang binata.

“Ci… Cirila… Ilang… Ilang!” lumuluhang pagdada-lamhati ng binata. Kahit wala na si Cirila ay ipinadarama pa rin ng kasintahan ang matapat na pag-ibig sa napupusuan.

Isang araw ay nagulat na lamang si Lanubo nang may halamang tumubo sa puntod. Inalagaan ito ng binata. Ang halaman ay naging puno, ang puno ay pinamulaklakan.

Sa laki ng pagmamahal ni Lanubo kay Cirila ay pinangalanan niya itong Cirila na malambing na tinatawag na Ilang na naging Ilang-Ilang.

Iba pang mga Alamat na Babasahin

Hudhud in Aliguyon (Buod ng Epiko ng Ifugao)

Ang Maghahasik (Buod)

Alamat ng Bahaghari [Buod]

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *