Nang kakaunti pa ang mga taong naninirahan sa Isla ng Panay, may isang mangingisdang nakatira sa Iloilo. Siya’y may pitong anak na dalaga na dahil sa labis na kagandahan nila ay nagkaroon ng madaming manliligaw.
Dahil sa labis na kagandanila, hanggang Borneo ay nakarating ang balita. Ilang mangangalakal na binata ang nagkagusto sa kaniyang mga anak at sinuyo sila.
Nagustuhan ng mga ito ang mga dalaga kaya sila’y hinandugan ng regalo. Tinanggap naman ang mga alaala bagamat hindi tiyak ng mga dalaga kung ang mga ito ay tunay ngang kanilang iniibig. Tumutol ang ama pagkat batid niyang ang kanyang mga anak ay isasama sa Borneo pag-uwi ngmga negosyante. Sa gayon siya’y mapapag-isa. Subalit walang nagawa ang kanyang pagtutol.
Isang araw nangisda ang kanyang ama sa dagat. Nang umalis siya, sumama sa mga mangangalakal ang kanyang pitong anak na babae. Inipon nila ang kanilang mga gamit at umupo sa bartel. Noong nasa Guimaras Strait sila, nakita ng kanyang ama ang tatlong sasakyan na kanilang minamaneho. Sumunod ang ama, ngunit ang kanyang maliit at mabagal na bangka ay hindi nakasabay sa mabilis na mga bangka ng mga taga-Borneo.
Ang kaawa-awang matanda ay pagod na pagod sa kagagaod. Siya’y nagmakaawa, “Mga anak ko, magbalik kayo. Huwag ninyo akong iwan!” Siya’y nanambitan at lumuha ng masaganang luhang sing-alat ng dagat. Malamig na simoy ng habagat ang kanyang nadama, bilang katugunan sa kanyang daing, ang alapaap ay nagdilim.
Ang langit ay nagsungit. Kumidlat at umugong ang kulog. Pumatak ang mabigat na ulan. Nawala sa malas niya ang mga praw.
Umuwi ang matanda. Napaluha siya. Ang kanyang masaganang luha ay katumbas ng mga patak ng ulan. Hindi siya nakatulog ng gabing iyon. Naalala niya ang mga bata.
Kinaumagahan, kinuha ang kanyang bangka at pumalaot sa gitna ng dagat sa pagbabaka-sakaling makita ang mga anak na lulan ng mga praw. Baka raw naantala ng bagyo ang kanilang sasakyan. Sa kanyang pagtataka ang kanyang nakita sa malayong tanaw ay maliliit na isla na wala roon nang nakaraang araw. Siya ay gumaod nang gumaod. Kanyang nakita ang mga pira-pirasong labi ng praw ng mga taga-Borneo na lumulutang malapit sa mga isla. Kanyang binilang ang mga isla sa kanyang mga daliri. Pito! Sila ang mga anak na dalagang nangalunod.
Ang mga praw na kanilang sinasakyan ay winasak ng malakas na bagyo. Ang mga sasakya’y nilansag ng hangin at malakas naulan. Ang mga ito’y napadpad sa coral reef at mga bato.
Ang mga walang turing na anak na dalaga ay naging mga isla.
Tinawag na Mga Isla ng Pitong Makasalanan (Isla de los Siete Pecados.)